Elevator boy patay sa elevator

Basag ang bungo ng isang 19-anyos na elevator operator matapos mahulog mula sa coach na nasa ika-apat na palapag ng isang ginagawang condominium sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jobrez Jacob, binata, residente ng Libis Reparo, Baesa Caloocan City.

Ayon sa ulat dakong alas-8:45 nang umaga nang maganap ang insidente sa King Plaza Condominium sa 952 Juan Luna St., Tondo.

Batay sa salaysay ng saksing si Ramil Antonio, 30, nasa loob siya ng comfort room sa ground floor ng gina­gawang condominium nang makarinig ito ng malakas na kalabog at nang alamin ay nakitang nakalugmok na duguan ang biktima sa ground floor, sa tapat ng elevator.

Ayon sa ilang manggagawa, nagagamit na umano ang naturang elevator mula sa ground floor hanggang sa 6th floor ng 9 na palapag na ginagawang condo­minium. Hinihinalang sa ika-4 na palapag nagmula ang biktima dahil doon nakatigil ang coach ng elevator na maaring sinakyan ng biktima.

Sinisiyasat kung may naganap na foul play, gayundin kung may respon­sibilidad ang pamunuan ng condominium sa pagkamatay ng biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments