Bangkay ng GRO natagpuan sa condo
Pinipigil ngayon sa himpilan ng pulisya ang dalawang African national matapos na madiskubre sa bahay ng mga ito ang bangkay ng isang 21-anyos na Guest Relation Officer (GRO) sa Pasig City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Christo Daniels, 48, live-in partner ng biktima at Ronald Terense, 48 , kapwa residente ng #12 Narra St., Valle Verde III, Brgy. Ugong ng lungsod na nabanggit. Samantala, pinaghahanap din ang katulong ng mga ito na nakilalang si Daisy Libuna, tubong-Iloilo na hindi na rin bumalik ng magpaalam sa mga amo.
Kinilala naman ang biktima sa alyas Jenny, GRO ng Heartbeat Disco, ito ay natagpuang naaagnas sa loob ng stock room ng bahay na nakasilid sa itim na trash bag na mahigpit na tinalian.
Sa ulat, natagpuan ang bangkay ng biktima matapos na hanapin ng stay-in drayber ng mga suspek na nakilalang si Andrew Manabat dakong alas-3 ng hapon. Laking gulat nito nang tumambad sa kanya ang naaagnas na bangkay ng biktima nang mahanap ang pinanggalingan ng amoy mula sa nasabing plastic bag. Base sa imbestigasyon ng SOCO, may limang araw nang patay ang biktima base sa itsura ng bangkay nito.
Lumalabas sa ginawang imbestigasyon na nagpaalam umano si Jenny kay Daniels noong Huwebes upang magtungo sa Bulacan para bisitahin ang mga kaanak subalit hindi na umano ito bumalik pa. Biyernes naman nang magpaalam si Libuna kay Daniels para pumunta umano sa mga kamag-anak dahil may ipinadala umano sa kanya at kukunin niya ito subalit hindi na rin bumalik.
Isang masusing imbestigasyon ang gina gawa ng pulisya para sa agarang paglutas ng kaso at inaalam na nila ang puwedeng puntahan ni Libuna para makapagbigay linaw sa nasabing krimen. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending