Nasobrahan sa alak, obrero di na nagising
Hindi na nagising sa pagtulog dahil sa sobrang alak na nainom ang isang obrero makaraang matagpuan ang bangkay nito sa tinutuluyang quarters kahapon ng umaga sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Randy Cauwad, 37-anyos, stay-in sa ginagawang bahay sa #30 Lafilonila street, Barangay Damayang Lagi, ng naturang lungsod.
Bandang alas-5:00 ng umaga kahapon nang makita nito na nakadapa ang bangkay ng biktima sa sementong sahig ng ginagawa nilang bahay at wala nang buhay. Wala namang natagpuang sugat sa bangkay na maaaring ebidensya ng “foul play”.
Huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-9 kamakalawa ng gabi na nakikipag-inuman sa kanyang mga kasamahan sa trabaho. Posible umano na nasobrahan ng nainom na alak o kaya naman ay binangungot ang biktima na sanhi ng kamatayan nito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending