May 30 elementary pupils kabilang ang isang guro ang nasugatan makaraang magkarambola ang kanilang mga sinasakyang bus kahapon sa Quezon City. Nasangkot sa nasabing insidente ang tatlong bus na may mga plakang RGT-902;RBH-129; RGR-942 kasama rin ang isang Hyundai Starex Van(CHE-33) na asul.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente dakong 11:15 ng umaga sa west bound lane ng Quezon Ave. malapit sa U-turn slot sa naturang lungsod.
Noon panahong iyon ay may field trip ang mga estudyante ng Molino Elementary School sa lalawigan ng Cavite at sakay sila ng naturang mga bus papunta sana sa Luneta Grandstand nang masalpok ng isang bus (RGR-942) ang likurang bahagi ng Starex van.
Pagkabangga ng nasabing bus sa van sumalpok din naman ang kasunod nitong bus (RBH-902) sa puwitan nito kung kaya’t sumalpok din ang huling bus (RGT-902)sa likuran ng bus na may plakang RBH-129.
Nagturuan naman ang tsuper ng van na si Lino Jimenez, 33, ng Kalayaan St., Diliman, Quezon City at ang tsuper ng RGR-942 na si Dennis Valino, 39, ng Batangas City nang abutan ng mga nagrespondeng mga pulis,
Ayon kay Jimenez, pilit niyang itinatabi ang minamanehong sasakyan matapos siyang serenahan ng mga pulis na escort ng mga bus pero nagulat na lamang siya nang banggain ang likuran bahagi ng kanyang sasakyan.
Sa panig naman ni Valino tatlo silang bus na magka-convoy at nabigla umano siya nang i-cut siya ng nabanggit na Van kung kaya’t tinamaan niya ito dahilan para magkarambol silang apat. Sinasabing higit na nasaktan sa insidente ang guro na nakilala lamang sa pangalang Mrs Eyto na dinala sa East Avenue Medical Center(EAMC) kasama ang iba pang mga mag-aaral na biktima ng aksidente.
Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)