Money changer sa Maynila, wawalisin
Sa kabila ng ginawang spray paint campaign ni Manila Mayor Alfredo Lim laban sa mga manlolokong money changer, tila hindi natitinag ang mga ito kung kaya tatanggalin na ang mga nasabing establisimento sa Ermita at Mabini. Ito naman ang napag-alaman kay Mayor’s Complaint Action Team (MCAT) chief Ret. Col. Franklin Gacutan kung saan sinabi nito na patuloy ang pagdagsa ng mga reklamo laban sa mga ito.
Ayon kay Gacutan, patuloy pa rin ang operasyon at pamamayagpag ng mga manlolokong money changer kung saan isinasagawa ang kanilang modus operandi sa pamamagitan ng short change sa mga turistang nagpapalit ng kanilang foreign currency sa nabanggit na lugar. Sa katunayan umano ay pinapapalitan na ng alkalde ang mga money changer ng ibang mga establisimiyento na maaaring maging kapaki-pakinabang sa nabanggit na lugar.
Ibinulgar din ni Gacutan na base sa kanilang impormasyon na nakalap ,isang retiradong pulis Maynila ang umano’y nagsisilbing protektor ng mga naturang money changer na nasasangkot sa pangongotong.
Nauna dito,nabatid na may 29 na money changer sa Ermita, Maynila ang personal na isinara ng alkalde dahil sa kawalan ng permit, kamakailan dahil sa maraming reklamo nang pangongotong. (Doris Franche)
- Latest
- Trending