Kawatan na-trap sa bangko, timbog
Arestado ang isang 42-anyos na lalaki makaraang makulong ito sa nilooban niyang bangko na wala namang lamang pera kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ang suspek na nakilalang si Rudy Carballo.
Sa inisyal na ulat ng QCPD, naganap ang panloloob sa Bank of Philippine Islands (BPI) sa may kanto ng Aurora Blvd. at Doña Hemady St., New Manila dakong alas-9 ng gabi.
Nabatid na umakyat sa bakal na gate ang suspek at tinuklap ang bubong at kisame ng bangko na kanyang dinaanan papasok ng bangko. Malaking pagkakamali naman nito nang hindi niya inakala na hindi pala nabubuksan mula sa loob ang mga pinto ng bangko sanhi upang makulong siya. Ngunit mas masakit pa nang matuklasan na walang lamang pera ang mga kaha sa cashiers booth habang hindi naman nito mabuksan ang safety vault.
Nadiskubre naman ang ginawang panloloob ng suspek matapos na sumilip sa “peep hole” ang duty na sekyu nang tumunog ang alarma ng bangko kung saan nakita nito ang suspek sa loob.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD kung saan winasak pa ang isa sa salaming pinto matapos na talian ng suspek buhat sa loob.
Nakorner naman ng mga pulis si Carballo sa ikalawang palapag ng bangko habang naghahanap ng butas na matatakasan.
- Latest
- Trending