Intsik na-hipnotismo ng sindikato
Nagbabala ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) laban sa sindikatong gumagamit umano ng hipnotismo upang makatangay ng pera matapos isang 40-anyos na Chinese ang umamin na siya ay nabiktima nito, nang kusa niyang ibigay ang mahigit P200-libo sa isang babaeng hinihinalang miyembro ng sindikato, sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Dumulog sa MPD-General Assignment Section (GAS) ang biktimang si Chen Xiao Xiong, cook sa My Home Daily Restaurant sa Kalaw St., Ermita, at nanunulyan sa Nakpil St., Malate, Maynila.
Inilarawan ang suspect na tsinita na nasa gulang na 45-50 anyos, maiksi ang buhok, may taas na 5’2’’ hanggang 5’3’’. Ayon pa sa report dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Ongpin St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa salaysay, sinabi ng biktima na patungo siya sa Arranque market upang mamili ng suplay na lulutuin para sa branch ng restaurant sa Palawan nang biglang lapitan ng suspect. Agad umano siyang kinausap sa lengguwaheng Chinese kaya nakuha ang kanyang loob lalo na nang alukin siya ng gintong kwintas at nagmakaawa na bilhin na lamang upang may pamasahe sa pagbalik sa China. Sa awa umano niya ay hindi na namalayang naging sunud-sunuran siya sa suspect at kusa niya umanong ibinigay ang lahat ng dalang perang pambili ng suplay at isinama niya ang hiwalay na P35-libo nang ibigay mismo pati ang kanyang wallet sa suspect.
Mabilis naman umanong lumisan ang suspect at nang mistulang natauhan siya ay nagtataka siya kung bakit nagawa niyang magpaloko. Nabatid na ilang sindikato ng kawatan ang gumagamit ng hipnotismo sa loob ng mga nakalipas na dekada upang makapanloko at makatangay ng malaking halaga tulad ng grupo ng ‘Budol-budol gang’. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending