4 na holdaper utas
Patay ang apat na mga holdaper na nagtangkang mangholdap sa isang gasolinahan, habang isang pulis naman ang sugatan matapos ang naganap na engkuwentro kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Navotas.
Isa sa mga nasawing suspect ay kinilala ng pulisya sa pangalang Norman Lapid-Cantones, isang ex-convict, ang isa naman ay nakilala lamang sa alyas Kawil, samantalang ang dalawa pa ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Sugatan sa naturang insidente si PO1 Roberto Santillan, na nakatalaga sa Mobile Patrol Unit ng Navotas City Police na kasalukuyang ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC).
Base report ng Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong alas- 11:20 ng gabi sa kahabaan ng Honorio Lopez St., Brgy. North Bay Blvd. South (NBBS) ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y planong panghoholdap ng mga suspek sa isang gasoline station sa naturang lugar.
Agad na nagtungo at nagmanman ang mga tauhan ng Mobile Patrol Unit at Follow-Up Unit ng Navotas City Police sa paligid ng Shell gasoline station nang mamataan ang isang Kawasaki 125 tricycle na may plakang DZ-5022 na sinasakyan ng mga nasawing suspect.
Pinapara ng mga pulis ang suspect na huminto naman pero sa paglapit pa lamang ng mga pulis ay umalingawngaw na ang putok ng baril na ikinatama ni Santillan.
Dahil dito, napilitan na ring gumanti ng putok ang iba pang pulis na ikinasawi naman ng apat na holdaper.
Agad na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang apat na pinaghihinalaang holdaper ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang mga ito habang ang pulis na si Santillan ay patuloy na inoobserbahan ng mga manggagamot.
Nakuha sa mga suspect ang dalawang kalibre .38 baril at isang balisong ,habang ang suspek na si Cantones ay napag-alamang kalalaya pa lamang mula sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City.
Samantala, itinanggi ng mga kamag-anak ng holdaper ang mga nasawi kasabay nang pagsasabing nagkayayaan lamang na mag-inuman ang mga ito.
- Latest
- Trending