Sa kabila na kalapit barangay lamang ng headquarters ng PNP, itinuturing ngayon na isa sa pinaka-drug infested na barangay ang West Crame, sa San Juan City dahil sa malayang bentahan ng iligal na droga.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa seryosong estado na ang problema sa iligal na droga ng naturang barangay. Marami sa mga residente ay pagtutulak ng iligal na droga ang hanapbuhay at kundi man ay mga user.
Matindi rin ang pangmamaltrato ng mga magulang sa kanilang mga anak dahil sa droga habang may mga ulat rin ng patayan dahil sa onsehan sa iligal na droga.
Kinumpirma naman ang naturang problema sa naturang barangay sa interogasyon sa apat na nadakip na drug pushers na sina Nelson Bellocillo; Nelson Bellocillo Jr.; Marlon Nuñez; at Johnson Concepcion.
Ipinag-utos ni Director General Dionisio Santiago Jr. sa Preventive Education and Community Involvement Service (PECIS) ng PDEA na magsagawa ng serye ng *drug awareness seminar* sa naturang barangay upang masugpo ang lumalalang problema. (Danilo Garcia)