Binata todas sa 'thrill killer'
Pinag-iingat ng pulisya ang mga residente sa lungsod ng Marikina sa umanoy gumagalang thrill killer matapos na mabiktima ang isang lalaking 19-anyos na binata na pinagsasaksak sa harapan ng tinitirhang bahay ng huli kahapon ng madaling araw sa Brgy. Fortune ng nasabing lungsod.
Sampung saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang ikinamatay ng biktimang si Mark Garret Jaba, 19, residente ng Angelina Santos Compound, Printing Village Brgy. Fortune ng nasabing lungsod. Kasalukuyan namang pinaghahanp ang hindi pa kilalang sus pek na ayon sa dalawang kalalakihang testigo ay tinatayang nasa edad 25 hanggang 30-anyos, 5’2’’ ang taas, maitim at katamtaman ang pangangatawan.
Ayon kay Chief Insp. Earl Castillo, hepe ng Criminal Investigation Division ng Marikina police, naganap ang pananaksak dakong alas-12:10 ng madaling-araw sa harapan ng nasabing compound kung saan nakatira ng biktima.
Nabatid na umalis na upang umuwi ang biktima mula sa panonood ng paglalaro ng chess sa dalawang testigo subalit hindi pa ito masyadong nakakalayo ay bigla na lang itong hinarang ng suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak.
Sa kabiglaan ay hindi naman nagawang tulungan ng dalawang lalaki ang biktima. Mabilis na lumayo ang suspect matapos ang insidente.
Saka lang nakakilos ang dalawang naglalaro ng chess ng makitang malayo na ang suspek saka mabilis na humingi ng tulong upang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit nasawi na rin ito dahil sa dami ng inabot na saksak sa katawan. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending