Dahil sa pansit canton, mister pinagtripan

Dahil lamang sa pansit canton, isang mister ang nasa kritikal na kondisyon makara­ang pagtulungang bug­bu­gin at ataduhin ng sak­sak ng tatlo niyang mga kapitbahay, kahapon ng ma­daling-araw sa Pasay City.

Nakilala ang sugatang bik­tima na si Henrex Quiane, 28, residente ng Onyx St., Bayanihan, Brgy. 181, Zone 19, Mari­caban, Pasay City sanhi ng mga saksak at mga pasa sa iba’t ibang ba­hagi ng katawan.

Ang mga suspect na­man na kinilalang sina TJ Cortez, isang alyas “Leo” at Jojo Mallari ay agad namang tumakas maka­raan ang insidente.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-12:05 ng madaling-araw nang mangyari ang nasa­bing insidente hindi ka­layuan sa bahay ng biktima.

Nabatid na unang lu­ma­bas ng kanilang bahay ang biktima para bumili ng paboritong pan­sit canton sa isang tinda­han sa Almazor St. ng na­sabing lugar nang ma­tiyempuhan ang mga suspect na naka­tayo sa tindahan. Dahil napu­nang lumalaki ang kata­wan ng biktima, ki­num­pronta ito ng mga sus­pect at pakutyang pinag­sabihang “kaya pala lumalaki ang katawan mo dahil sa pansit canton”.

Sa kabila nito ay hindi umano sumagot ang bik­tima, subalit pinagsabi­han ito ni Leo na “ito ang ma­sarap bugbugin”, ka­sabay ng paglabas ng patalim at agad inunda­yan ng saksak ang biktima sa katawan.

Nang duguan ng hu­man­dusay ang biktima, pinagtulungan pa itong bugbugin, saksakin at pag­papaluin ng mga suspect hanggang sa isang secu­rity guard ang nagma­lasakit sa una at itaboy ang mga huli. Agad namang dinala ng kaniyang misis ang biktima sa pagamutan kung saan ito inoobser­bahan ngayon. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments