Houseboy na pumaslang sa 2 amo, arestado

Nadakip na kahapon ng mga tauhan ng pulisya sa   Iriga City ang isang houseboy na sangkot sa pagpaslang sa dalawang matandang amo na kanya pang ninakawan noong nakaraang Martes sa Las Piñas City.

Aksidente lamang ang pagkakadakip ng mga tauhan ng Iriga Police sa suspect na si Joseph Flores, 21, tubong Baao, Camarines Sur, mata­pos ma-bagansiya at lumabag sa umiiral na ordinansa noong Miyerkules ng gabi subalit nang beripikahin ang kan­yang pagkatao, natuklasan na siya pala ang pangunahing sus­pect sa pagpatay sa mag-live-in na sina Jose Pag­tak­han, 69; at Teresita Resuena, 61, na bukod sa pinagsa­saksak ay ginilitan pa ng leeg.

Mismong ang anak sa unang asawa ni Resuena na si Josephine Aquino, 39, ang nakatuklas sa bangkay ng dalawa nang magtungo ito sa tirahan ng mga biktima sa Rosas St., San Antonio Valley 17 Brgy. Talon 4 noong Martes ng umaga.

Napag-alaman na nabawi rin ng mga tauhan ni Supt. Tomasito Clet, hepe ng Iriga Police Station sa suspect ang P3,000 cash na bahagi ng may P100,000 cash na kanyang tinangay, cellphone, camera at dalawang kuwintas na pag-aari ni Resuena.

Nang dalhin si Flores sa Las Piñas police station, iki­naila niya na siya ang pu­maslang sa mga biktima at itinuro pa ang isang “alyas Kenneth” na malapit na ka­anak umano ng mga bik­tima na siyang utak sa pamamaslang.

Ang naging partisipasyon lamang niya sa krimen ay ang pagpa­pahintulot sa dalawang sa­la­rin na pu­ma­sok sa loob ng ba­hay at ma­ba­ha­ginan ng mga kinu­limbat na salapi, alahas at personal na gamit ng mga biktima.

Hindi naman ito kina­gat ng mga imbestigador sa paniwalang nagha­hanap na lamang ng damay ang suspect ba­gama’t masusi pa rin nilang aalamin kung may kato­tohanan ang bintang ni Flores. (Lordeth Bonilla)

Show comments