Pinas dinadagsa pa rin ng turista
Sa kabila ng krisis pang pinansyal sa buong mundo, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga dayuhan sa bansa noong buwan ng Setyembre kumpara ng kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, may kabuuang 384,948 na dayuhan ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang daungan sa bansa noong nakaraang buwan kumpara sa 356,760 na bumisita sa Pilipinas noong Setyembre 2007.
Iginiit ni Libanan na ang pagdagsa ng mga dayuhan sa ating bansa ay nangangahulugan lang na nakakaengganyo pa rin sa turismo at investor ang Pilipinas sa kabila ng krisis pinansiyal sa buong mundo.
Nangangahulugan umano ito na makakatulong ang mga turista at investor sa ekono miya ng Pilipinas.
Nilinaw din ni Libanan na ang 11 porsiyento ang ibinaba ng mga dayuhan na umaalis ng bansa ng buwan ng Setyembre. Umaabot umano sa 421,208 mga dayuhan ang umalis ng nasabing buwan kumpara sa 471,638 noong nakaraang taon.
May kabuuan din umanong 4.3 milyon dayuhan ang dumating sa bansa simula noong Enero hanggang Setyembre kung saan walong porsiyento itinaas kumpara sa unang siyam na buwan ng taong 2007.
Ayon kay BI immigration regulation chief Gary Mendoza na ang mga Amerikano na may kabuuang 524,339 ang siyang pangunahin sa listahan na mga dayuhan dumating sa bansa, sumunod dito ang Koreano, 479,830 at mga Japanese, 293,965. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending