37 'askal' na-rescue
Umaabot sa 37 asong kalye o Askal na nakatakda sanang katayin sa Baguio City ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Society for the Prevention of Cruelty to Animals (PSPCA) matapos na masangkot sa isang vehicular accident ang pinagsakyan sa mga ito sa North Luzon Expressway kamakalawa ng umaga.
Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng PSPCA sa Recto, Maynila ang 20 sa 37 na Askal matapos na mamatay at magtakbuhan ang 17 iba pa nang magkabanggaan ang dalawang sasakyan na kinasasangkutan ng isang Mitsubishi Fuzo Cargo Truck na may plakang WCJ-665 na minamaneho ni Restituto Roxas, 60 at ng isang Nissan Urvan na may plakang PTK-118 na minamaneho naman ni Christian Medina, 20 ng San Pedro Laguna.
Isa pa sa mga kasama ni Medina na si Ronnie Viray ang namatay habang sumasailalim sa operasyon.
Ayon kay Edgardo Albaba, pangulo ng PSPCA, agad silang tinawagan ng pamunuan ng NLEX matapos ang banggaan na nirespondehan ng Traffic Management and Safety Department Tollways Management dakong alas-6 ng umaga.
Sinabi ni Albaba, na hindi alam ng NLEX na naglalaman ng mga buhay na aso ang nasabing Nissan Urvan na pinaniniwalaan namang dadalhin sa Baguio City at doon kakatayin upang ibenta.
Iginiit ni Albaba na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli at pagkatay ng mga asong kalye alinsunod na rin sa Animal Welfare Act. (Doris Franche)
- Latest
- Trending