Mister todas sa pulis-pulisan

Isang lalake ang sinaksak at napatay ng isa pang lalake na nagpanggap na pulis sa isang lamayan sa patay sa Phase 7B, Package 8, Block 79, Bagong Silang, Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

 Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Rodel Padilla, 49, may-asawa, at residente sa Phase 1, Bagong Silang. Tinu­tunton ng pulisya hanggang sa sinusulat ito ang suspek na si Ricardo Lorenzo, residente rin sa naturang lugar.

Lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na nakikipag­lamay ang biktima sa burol ng isang kalugar na si Jovert Langit, kung saan nakipanood ito ng naglalaro ng sugal na “Tong-its” nang lapitan at sitahin siya ng suspek na agad na nagpakilalang pulis.

Dahil hindi naniwala ang biktima na pulis ang suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hang­gang sa magsuntukan ang mga ito. Agad namang naawat ni Langit ang dalawa, bagay na hindi nagustuhan ng suspek at nagpasya itong umuwi ng bahay saka muling bumalik bitbit ang patalim at tinarakan sa dibdib ang biktima.

Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod naman ng mga resi­dente sa Jose Rodriguez hospital ngunit idineklara din itong dead on arrival. (Ricky Tulipat)

Show comments