Phomela Barranda sugatan sa aksidente
Sugatan ang model-TV host na si Phomela Barranda ng ABS-CBN pati na ang mga kasamahan nito matapos masangkot sa isang vehicular accident, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Si Barranda na kinilala sa pamamagitan ng naiwanang ID nito sa kanyang sasakyan ay kasalukuyan pa ring nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) dahil sa mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Nabatid na bumangga ang sinasakyan ng grupo ni Barranda sa isang poste sa Edsa-Ayala ng Makati City.
Sa inisyal na ulat na nakalap ng PSN sa Makati City Police, ang insidente ay naganap dakong ala-1:15 ng medaling-araw sa EDSA-Ayala ng nasabing lungsod.
Ayon pa sa ulat, nakita umano ng ilang saksi na kaliwa’t kanan o pagewang-gewang ang takbo ng itim na kotseng Ford na may plakang XMX-718 ng grupo ni Barranda bago ito bumangga sa poste.
Nagtakip pa umano ng mukha ang TV host at mga kasamahan nito bago sumakay sa isa pang sasakyan at umalis sa lugar. Naiwan naman sa loob ng bumanggang kotse ang identification card (ID) ng nasabing modelo.
Habang isinusulat ang balitang ito, kahapon ay nagpapagamot pa umano si Barranda at mga kasamahan nito sa Makati Medical Center (MMC). (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending