Nakasuot ng uniporme ng pulis at militar: Pabrika ng pintura sinalakay ng 20 armado
Muli na namang sumalakay ang isang grupo ng mga armadong kalalakihan na binubuo ng may 20 na pawang nakasuot ng uniporme ng pulis at sundalo sa isang factory ng pintura sa Pasig City.
Kaugnay nito isang manhunt operation ang inilunsad ng mga awtoridad laban sa mga suspect.Kinilala ng pulisya base sa photo gallery na itinuro ng isa sa witness ang isa sa suspek na si Alvin Flores, lider ng grupo.
Ayon sa pulisya, dakong alas-3:45 ng hapon ng pasukin ng grupo ang Welbert Manufacturing Inc. na matatagpuan sa E. Rodriguez, Bgy. Santolan, Pasig.
Nabatid na nagpakilala ang mga suspek sa guwardiya na si Prudencio Gallardo na mga pulis at magsasagawa lamang ng inspeksyon. At dahil pawang mga naka-uniporme ng pulis at armado ng M203 Riffle Grenade at M16 Armalite rifle ay pinapasok ang mga suspek ng guwardiya subalit laking gulat ng huli nang agad siyang disarmahan ng mga ito. Pinadapa ng mga suspek ang lahat ng empleyado ng pabrika kabilang ang limang guwardiya na nagulantang sa pangyayari.
Agad na tinungo ng mga suspek ang tanggapan ng plant manager na kung saan nanduon ang steel vault na kanilang sapilitang binuksan at tinangay ang laman nito. Tumakas ang mga suspek patungong Cainta sakay ng dalawang sasakyan, isang white van may plakang ZLE 106 at isang kulay asul na van na may red plate number ZFV-905. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending