Maagang nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo makaraang aksidente umanong tamaan ng bala ng pen gun na nilalaro ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Hindi na umabot ng buhay sa General Malvar Hospital ang biktima na si Ralph Ronald Mamos, estudyante at residente ng Gumamela St., Brgy. Holy Spirit, ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa tagilirang bahagi ng katawan na lumusot sa baga nito.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang 14-anyos na suspect na itinago ang pangalan dahil sa pagiging menor-de-edad rin nito.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas -10:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Nabatid na kumakain ang biktima kasama ang pamilya nito nang biglang makarinig ng isang putok. Nagulat na lamang ang mga kapamilya nito nang biglang natumba ang biktima sanhi ng tama ng bala sa tagiliran.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad nakita nila ang point of entry ng bala ay galing sa kabilang bahay.
Nabatid na pinaglalaruan ng suspek ang pen gun nang aksidente itong pumutok at tumagos sa kahoy na dingding ng dalawang bahay hanggang sa tamaan ang biktima.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) ang suspek.