Isang illegal recruiter na itinuturo sa panloloko ng daang-libo sa mga nais magtrabaho sa ibayong dagat ang dinakip sa isang entrapment operation ng NBI, kahapon.
Kinilala ang nadakip na suspect na si Myrna Vasquez Bulanday, ng Catleya St., Pag-asa, Quezon City.
Ayon kay Anti-Graft Division (AGD) head, Atty. Alan Contado na noong Abril, 2008, pinangakuan ni Bulanday ang isang Amalia Q. Aldonza at 5 iba pa na makapagtatrabaho sa Canada bilang yaya, caregiver, cook at kitchen helper sa sweldong 900 Canadian dollars. Nakakuha na umano ang suspect ng halagang P320,000 mula sa mga biktima.
Dahil sa napakong pangako, nag-imbestiga ang mga biktima at natuklasan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na hindi lisensiyado upang mag-recruit si Bulanday kaya hiniling nilang isoli nito ang kanilang pera.
Dahil sa hindi na naibalik ng suspect ang pera ng mga biktima kaya dumulog na ang grupo ng huli sa NBI noong Set. 16, at nang muling mang hingi umano ang suspect ng karagdagang P10,000 ay inilatag na ang entrapment operation laban dito.
Makalipas ang 6 na araw, nakumbinse ang suspect na makipagkita sa isang fastfood sa Padre Faura, Manila. Habang hawak ang marked money na ibinigay ng mga biktima ay nilapitan na siya ng mga NBI agents at inaresto at ipinagharap ng kasong paglabag sa RA 8042 o Migrant Workers Act and Overseas Filipino Act at Article 315. (Ludy Bermudo)