Muntinlupa desk officer sinampolan ni Gen. Verzosa
Sinampulan kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Jesus Verzosa ang isang desk officer ng Muntinlupa City Police na ipinasibak sa puwesto kaugnay ng pagpapahintulot na magsakitan ang biktima at isang inarestong pinaghihinalaang snatcher sa loob ng presinto.
Ipinag-utos ni Verzosa kay NCRPO chief Director Jefferson Soriano ang pagsibak sa puwesto kay SPO2 Efraim Reyes, desk officer ng Muntinlupa City Police Station.
Ang hakbang ay alinsunod sa pagbabawal ni Verzosa na huwag hayaang magkasakitan sa komprontasyon ang biktima at ang suspect habang iniimbestigahan ang mga ito sa presinto.
Binigyang-diin ni Verzosa na ibig niyang ipatupad sa ilalim ng kanyang panunungkulan ang mahigpit na paggalang sa karapatang pantao ng bawat indibidwal kabilang ang mga inaarestong suspect na hindi pa naman napapatunayang guilty sa kaso.
Nabatid na napanood ni Verzosa sa video footage na nakunan ng isang tv network ang pananapak ng biktima laban sa isang inarestong snatcher na nangyari noong nakalipas na linggo o isang araw matapos na iluklok ang bagong PNP Chief.
Samantalang nauna na ring ipinag-utos ni Verzosa sa unang press briefing nito bilang PNP Chief noong Sabado ( Setyembre 27) ang pagbabawal sa pagpiprisinta sa suspect na ala-‘firing squad style’ kung saan maaari lamang gamitin ng mediamen ang mga footage at larawan na nakunan ng pulisya sa kanilang operasyon.
Si Reyes ay ipinasibak ni Verzosa dahilan hinayaan nito na sapakin ng biktima ang isang pinaghihinalaang snatcher sa kanilang komprontasyon sa loob ng istasyon ng pulisya sa kabila ng inianunsyo na ng PNP Chief ang naturang direktiba. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending