Bangkay ng bata nalambat sa Ilog Pasig
Isang bangkay ng hindi pa kilalang bata ang nakuha ng isang mangingisda habang inaanod ito sa kahabaan ng ilog Pasig sakop ng Brgy. Rosario kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon nang makita ng mangingisdang si Danilo Eustaquio ang nasabing bangkay ng bata na tinatayang nasa edad 7-8 taong gulang na inaanod sa ilog sa kahabaan ng Brgy. Rosario. Agad itong ipinagbigay alam ng nakakita ng bangkay sa pulisya na mabilis namang rumesponde sa lugar.
Sa ginawang pagsisiyasat, lumalabas na mahigit na isang araw ng patay ang nasabing bata nagtutuklapan na ang mga balat nito dahil sa matagal ng pagkakababad sa tubig, naka kita rin ng sugat sa may mukha ang pulisya dahilan upang sumailalim ito sa inisyal na awtopsiya upang malaman kung may foul play na naganap sa pagkamatay nito.
Posible rin umanong galing ang bangkay mula sa Marikina o karatig lugar sa San Mateo, Rizal na ngayon ay pansamantalang inilagak sa funenaria Quiogue. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending