Anti drug sa NAIA inalarma vs sindikato ng droga
Inalarma na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang mga anti-drug agents na nakatalaga sa NAIA dahil sa hinalang may mga kasabwat sa mga paliparan ang sindikato ng drug smuggling.
Bukod sa mahigpit na pagbabantay ngayon ng PDEA-Airpoirt Interdiction Team, nakatakda rin ngayon ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng PNP-Aviation Security Group at Airport Police.
Ang aksyon ay isinagawa matapos ang magkasunod na pagkakadakip sa dalawang Filipino sa Shanghai Fudong International Airport kung saan nakumpiska ang hindi pa mabatid na timbang ng heroin.
Nabatid na sakay ang dalawa ng magkaibang eroplano ng Cebu Pacific at nagmula sa NAIA. Hiniling din ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa pamunuan ng PDEA na suriin ang kanilang mga tauhan sa airports kung bakit sila nalulusutan ng sindikato.
Mas malaki na umano ngayon ang problema ng Pilipinas sa isyu ng drug couriers dahil sa lumipat na ang operasyon ng sindikato sa Pilipinas matapos na mabuwag ang grupo sa Malaysia. Mahigpit rin ngayon ang koordinasyon ng PDEA at DDB sa Bureau of Immigration sa mga Nigerian at iba pang Africano na pumasok sa loob ng bansa.
Samantala, inihayag kahapon ni Manila International Airport Authority General Manager Al Cusi na kanyang kakasuhan ang sinumang airport at airlines personnel na sangkot sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot at kasabwat ng international drug syndicates kasunod ng pagkaka-aresto ng dalawang Pinoy sa Shanghai International Airport matapos na mahulihan ng kilu-kilong heroin mula Pilipinas.
Inatasan ni Cusi si ret. General Angel Atutubo, MIAA asst. general for emergency and security services na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at alamin ang nasa likod nang pagkakalusot ng kilu-kilong heroin palabas sa NAIA na dala ng isang 33-anyos na Pinay nitong Martes ng gabi. Nasabat ang Pinay nang makita ang heroin na siniksik sa limang sapatos pagdating nito sa Shanghai Airport sa China na may direct flight sa NAIA.
Iniutos din ni Cusi kay Atutubo na magdagdag ng K-9 patrol sa lahat ng baggage at breakdown areas sa lahat ng NAIA terminal kasabay ng pagpapalakas ng counter intelligence network. Pinahihigpitan din nito ang pagbibigay ng access pass lalo na sa passenger movement areas. (Danilo Garcia at Ellen Fernando)
- Latest
- Trending