Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 30-anyos na construction worker makaraang mapitpit at magkalasug-lasog ang katawan nito nang mabagsakan ng makapal na sementadong kisame, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital bunga ng pagkakabasag ng bungo, mga bali at matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Raymond Recodia ng Palos Verdes Corporation at residente ng Cahi diocan, Romblom.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon habang ang biktima ay nagsisinsel ng sementadong kisame ng isang gusali na nasa #1916 Dominga St., Pasay City.
Nabatid na ang nasabing gusali ay kinukumpuni para mapalitan ang mga bitak na semento kung saan unang sininsil ng biktima ang sementadong kisame sa ground floor nito.
Nang masinsil na ng biktima ang buong gilid ng kisame at dahil sa bigat ng semento na may sukat na 2-1⁄2 ang kapal, bigla itong bumagsak at lumagpak sa mismong mukha nito hanggang sa madaganan ang kanyang buong katawan.
Dala naman ng sobrang bigat ng makapal na semento, hindi agad nailabas ang biktima na naging dahilan upang agaran itong masawi.
Matapos naman ang halos isang oras na isinagawang pagsalba sa biktima mula sa pagkakaipit, agad naman itong itinakbo ng kanyang kapatid sa nabanggit na pagamutan subalit minalas na hindi na rin ito umabot pa ng buhay.