Mga kawatan umatake sa laro ng Ateneo at La Salle
Sinamantala ng mga kawatan o mandurukot ang pagdagsa ng mga fans at supporters ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at De La Salle Green Archers kung saan kabilang ang isang abogado sa kanilang nabiktima kamakalawa ng hapon sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City.
Isa lamang si Atty. Trixie Angeles sa nadukutan ng mamahaling cellphone habang ang iba pang mga naging biktima ay hindi na nag-report sa pulisya dahil ayaw nang maabala.
Agad namang nadakip ang isa sa kumalat na kawatan na nakilalang si Arnulfo Escandol, 35, ng Caloocan City.
Ayon kay Atty. Angeles, katatapos lamang ng laro dakong alas-7 ng gabi sa pagitan ng dalawang unibersidad nang mapuna niyang nakabukas ang kanyang bag at nawawala ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P50,000.
Sa maagap naman na pagresponde ng mga alagad ng batas mula sa naturang himpilan ng pulisya ay nasukol nila si Escandol at nakapiit na ngayon sa Cubao Police detention cell.
Gayunman, sinabi ng naturang abogado na kahit siya nanakawan at hindi naibalik ang kanyang cellphone ay hindi siya gaanong nainis dahilan sa nanalo naman ang Ateneo na dati niyang pinapasukang unibersidad. Dahil dito, inatasan ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Magtanggol Gatdula ang pamunuan ng Cubao Police Station na higpitan ang pagbabantay sa tuwing may mga malalaking aktibidad sa lugar lalo na nga’t kapag ang dalawang nabanggit na unibersidad ang naglalaban. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending