100 pupils nalason sa hotdog sandwich
Mahigit 100 estudyante ng Jose Corazon de Jesus Elementary School sa Juan Luna, Tondo, Maynila ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Mary Johnston Hospital matapos malason sa kinain nilang mais con yelo, sandwich na may palamang hotdog, mayonnaise at itlog noong Biyernes ng hapon sa canteen ng paaralan.
Nakaranas ng pagkahilo, pagtatae, pagsusuka at lagnat ang mga batang isinugod sa mga nabanggit na pagamutan. Sinabi ng
mga magulang ng ilan sa mga biktima na pawang sumama ang kalagayan ng kanilang mga anak noong Biyernes ng gabi.
Inakala nilang simpleng pagkahilo lamang ang nangyari sa mga bata pero nang hindi pa rin nagbabago ang kon disyon ng mga ito ay isinugod na nila sa ospital.
Ayon naman kay Trinidad Galang, principal ng paaralan, sagot ng eskuwelahan ang lahat ng gastos sa mga estudyanteng naospital.
Gayunman, itinanggi nito na posibleng sa mais con yelo at tinapay nanggaling ang pagkalason ng mga bata dahil, sa inisyal na findings ng doktor sa JRMMC, ito umano ay “amoeba bacteria” bagama’t hinihintay pa niya ang opisyal na finding sa laboratory test na ginawa sa mga bata.
Sinabi pa ni Trinidad na mineral water naman ang ginagamit nilang tubig at ang supplier ay ang Parents Teachers Association ng eskuwelahan.
Siya umano ang personal na nangasiwa sa paghahanda ng mga pagkain na ibinenta sa mga bata noong Biyernes dahil absent ang gurong si Maryjane Repunzo na in-charge sa canteen noong Biyernes.
Nalaman na ipinalipat din ng JRMMC sa San Lazaro ang ibang estudyante na dinala dahil napuno na ng mga estudyante ang emergency room.
Sa panayam kay Gerlie Mae Hizole, grade 4 pupil, sinabi nito na kumain lamang umano siya ng mais con yelo na ibinebenta sa canteen ng paaralan sa halagang P6.
Sinabi rin ni Rufa Mae Tindionco, Grade 3 pupil, na kumain siya ng sandwich na may palamang mayonnaise noong oras ng kanilang recess sa canteen.
Sinabi naman ni Cecile Bautista, isa sa mga magulang, na hindi sila magrereklamo dahil aksidente ang nangyari at sinagot naman ng eskuwelahan ang gastos sa pagpapaospital sa mga bata.
- Latest
- Trending