Kapwa natagpuang patay kahapon ang dalawang kasapi ng hold-up and robbery gang na kapwa kalalaya lamang kamakalawa sa Pasay City.
Ang mga biktima ay kinilala sa pamamagitan ng mga nakuhang release papers mula sa Parañaque City Jail na sina Alexander Corpus at Edito Lufranco, kapwa 34-anyos.
Nabatid na si Corpus, residente ng Parañaque City at Lufranco ng Cavite City ay natagpuang magkapatong dakong alas-4 ng madaling-araw sa harapan ng Chinese School sa William St., na may ilang hakbang lamang ang layo mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon na rin sa pagsisiyasat ng pulisya, ang mga biktima ay kapwa miyembro ng “Sigue-Sigue Sputnik Gang” at tadtad ng tattoo sa katawan na umano’y sangkot sa serye ng mga holdapan sa ilang mga lungsod ng Kalakhang Maynila.
Lumalabas naman sa isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na kapwa may tama ng bala sa ulo ang mga biktima, nababalutan ng packaging tape ang kanilang mga mukha at nakagapos din ang mga kamay ng mga ito.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Joel Landicho, may hawak ng kaso, ang mga biktima ay kalalaya pa lamang sa Parañaque City Jail nitong nakaraang Martes dahil sa mga patung-patong na kaso ng robbery.
Ayon naman sa pahayag ng isang security guard ng lugar, bago natagpuan ang bangkay ng mga biktima ay una siyang nakarinig ng magkakasunod na putok ng baril hindi kalayuan sa DFA.
Narekober naman ng awtoridad ang apat na basyo ng .45 kalibre ng baril sa naturang lugar na posibleng ginamit sa pagpatay sa mga biktima.