Dalagita 'pinilahan' sa barangay outpost
Isang 15-anyos na dalagita ang halinhinang ginahasa ng walong lalake makaraang makipag-inuman sa mga ito sa loob ng isang barangay outpost sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Halos hindi pa makapagsalita nang maayos ang biktimang itinago sa alyas na Jennifer nang magreklamo sa Women’s and Children’s Concerned Desk ng Malabon City Police.
Sinabi ni Jennifer na nauna rito, isang kaibigang babae ang umimbita sa kanya na makipag-inuman sa Block 13, Hasa-Hasa St., Brgy. Longos ng nabanggit na lungsod dakong alas-9 ng gabi.
Inabutan niya sa bahay ang walong nag-iinumang kalalakihan at isa dito ang mister ng kanyang kaibigang babae na si Ryan. Agad siyang tinagayan ng mga ito.
Ilang minuto pa lamang ang nakalipas ay nagyaya na umano si Ryan na lumabas ng bahay papunta sa isang barangay outpost at doon na lamang ituloy ang inuman dahil naiingayan ang maliit nitong anak.
Pagdating doon ay hinawakan na umano ng mga ito ang kanyang kamay at paa habang pinagtutulungang hubarin ang kanyang saplot sa katawan.
Walang awa umano siyang pinagpasasaan ng walong hayok na kalalakihan hanggang sa magsawa ang mga ito at iwan siya.
Sa isinagawa namang operasyon ng pulisya ay naaresto ang dalawa sa mga suspek na sina John Rey Garlan, 20-anyos, at Clark de Ramas, 18, habang pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito na kinilala lamang sa mga alyas na Ryan, Toto Sablay, Darwin, Jonjon, Bilog na mabilis na tumakas matapos ang panggagahasa sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending