Salisi gang umatake
Pinag-iingat ng pulisya ang publiko laban sa mga salisi gang na bumi biktima ng mga inosenteng tao para makatangay ng salapi at alahas.
Ginawa ni Chief Inspector Reynaldo Paculan ng Pasay City Police-Criminal Investigation Division ang babala makaraang magkasunod na mabiktima ng salisi gang ang isang negosyante at estudyante na natangayan ng malaking halaga ng salapi, alahas at personal na kagamitan sa naturang lungsod.
Naunang nagreklamo kahapon ang unang biktima na si Doroliza Dorindez, 31, ng Montalban, Rizal, na nagsabing isang babaeng nagpakilalang “Evelyn” ang nakipagkaibigan sa kanya sa Domestic Airport.
Dahil matamis magsalita, nakumbinsi ni Evelyn si Dorindez na sumama sa kanya sa isang food chain. Habang kumakain, sumaglit si Dorindez sa isang rest room at dahil sa inakala niyang maganda ang kalooban ni Evelyn, iniwan niya rito ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng P51,000 cash, 50 Korean Won, digital camera na nagkakahalaga ng P15,000, alahas na umaabot sa halagang P45,000 at mahahalagang dokumento. Nang bumalik siya sa upuan, wala na ang suspek at ang kanyang bag.
Sumunod na nagreklamo si Cristy Cos, 16, ng naturang lunsod na kina ibigan din ng naturang sindikato. Isang babae na tinatayang nasa 35-45 anyos, 5’4”-5’6” ang taas, maputi, unat ang buhok at medyo may kagandahan ang hitsura ang nagpakilala kay Cos sa pangalang “Baby”.
Kinaibigan din ng suspek ang biktima hanggang matangay ng una ang alahas at salapi ng huli. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending