Misis nakipaghiwalay sa asawa, kinatay
Patay agad ang isang ina ng tahanan makaraang ataduhin ng saksak at gilitan pa sa leeg na parang baboy ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa harap mismo ng kanyang dalawang taong-gulang na anak kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng scene of the crime operatives na mahigit 30 tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng biktimang si Janine Garcia bukod pa sa pagkakalaslas ng leeg nito.
Unang nadatnan ng kanyang ka-live-in na si Eddie Rodriguez, 42, tricycle driver, ang biktima na wala nang buhay sa loob ng kanilang inuupahang apartment sa naturang lunsod dakong alas-7:00 ng umaga.
Katabi ng bangkay ng ginang ang anak nitong si E.J. na tulala at walang tigil ang palahaw ng iyak matapos masaksihan ang krimen.
May hinala naman si Rodriguez na posibleng ang dating mister ng kanyang ka-live-in na may alyas na “Bong” ang may kagagawan ng krimen dahil noon pa man ay galit na umano ang lalaki matapos tumanggi ang biktima na makipagbalikan makaraan silang maghiwalay may tatlong taon na ang nakararaan at tuluyang makisama sa kanya ang huli.
Sinabi ni Rodriguez na nagpasiya ang kanyang ka-live-in na makipaghiwalay sa asawa bunga na rin ng madalas na pambubugbog ng lalaki at iniwan pa ang tatlo nilang anak sa pangangalaga ng ginang.
- Latest
- Trending