Tsinoy trader kinidnap na, binaril pa
Dinukot ng apat na armadong lalaki ang isang negosyanteng Tsinoy na nagtamo ng tama ng bala sa katawan matapos na barilin ng isa sa mga suspek nang pumalag ito, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang biktima na si Kakuen Chua, 45 , may-ari ng Flash Hardware Store at naninirahan sa Tandang Sora Ave., Brgy. Tandang Sora, ng naturang lungsod.
Inilarawan naman ang apat na suspek na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril, nakasuot ng dirty white t-shirt na may tatak na “PULIS”. Lulan ang mga ito ng isang puting Toyota Corolla na hindi na nakuha ang plaka.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 3, naganap ang pagdukot dakong alas-12 ng hatinggabi sa harapan ng bahay ng biktima. Nabatid na kalalabas pa lamang ng gate ng kanyang bahay ang biktima at pa sakay na ng kanyang kotseng Toyota Altis (ZCU-286) nang sumulpot ang mga suspek at sapilitan itong kinaladkad.
Nanlaban naman ang biktima sanhi upang paputukan ito ng isa sa mga salarin. Dito na nagawang maisalya papasok ng kanilang sasakyan si Chua at mabilis na tumakas patungong direksyon ng Mindanao Avenue. Nabatid rin na isang taxi ang nagsilbing back-up ng get-away vehicle ng mga salarin.
Hanggang isinusulat ito, hindi pa nakakatanggap ng impormasyon ang pulisya buhat sa pamilya ng biktima sa sinapit nito. Hindi naman mabatid kung kumontak na ang mga kidnaper at kung humingi na ang mga ito ng ransom money.
- Latest
- Trending