Hindi pa man natatapos ang sunud-sunod na kontrobersiya sa Ninoy Aquino International Airport-3, muling binalot ng tensiyon ang naturang paliparan makaraang isang ginang ang nagtangkang magpakamatay dito sa pamamagitan ng pagbibigti nang malaman nito na may ibang babaeng kinahuhumalingan ang kanyang mister, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Mistulang lantang gulay nang isugod sa MIAA-Medical Clinic ang biktimang si Levie Garma, 42, tubong-San Antonio, Diffun, Quirino Province dahil sa matinding pagkakabigti ng scarf sa leeg nito subalit idineklara na itong ligtas.
Ayon kay ret. Gen. Angel Atutubo, assistant general manager for security and emergency services, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang hindi inaasahang insidente sa mezzanine na nasa ikaapat na palapag ng departure area ng nasabing terminal.
Hindi napansin ng mga nakatalagang guwardya bagaman pinaiiral ang mahigpit na seguridad sa airport ang biktima habang tulirong naglalakad hanggang sa makarating sa 4th floor.
Ayon sa biktima matapos na magkamalay, bigla na lamang sumagi sa isipan nito na wakasan na lamang ang kanyang paghihirap sa pamamagitan nang pagpapakamatay.
Nabatid na kinuha ng biktima ang dalang scarf at ipinulupot sa kanyang leeg saka tinali sa pintuan na malapit sa elevator at nagpatihulog upang mapigil ang paghinga.
Aniya, ilang araw na siyang tuliro sa Maynila simula nang maglayas sa kanilang probinsiya upang sundan ang kanyang asawang si Benny na umano’y nahumaling at sumama sa ibang babae.
Sa pagsisiyasat, matinding sama ng loob ang nagtulak sa ginang matapos na makipaghiwalay umano ang mister at tumulak ang huli patungong Cebu City kung saan naroon ang bagong kinakasama nitong babae.