Saksak para sa anak, sinalo ng tatay
Minsan pang pinatunayan ng isang ama na walang kapantay ang pagmamahal ng isang magulang sa anak at buhay man ay ibubuwis matapos itong ataduhin ng saksak hanggang sa mapatay ng apat na kalalakihan nang ipagtanggol nito ang kanyang “unico hijo” at saluhin ang mga saksak na para sana sa kanyang anak, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Namatay habang ginagamot sa Nodados Hospital sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Romeo Cantiga, 52 ng Phase 7B, Package 8, Block 75, Lot 9, Bagong Silang, nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang nakapiit sa detention cell ng Caloocan City Police ang mga suspect na sina Joel Catulang, 37; Manuel Catulang, 37; Poly Bertulfo, 36 at Crispolo Bertulfo, 42, pawang mga kapitbahay ng biktima.
Ayon sa ulat dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Phase 7B, Bagong Silang, Caloocan City.
Sinabi ng pulisya, unang nakaaway ng mga suspect si Ralph Cantiga, anak ng biktima kung saan nang makita umano ng matandang Cantiga ang pang-aaway ng mga una sa batang Cantiga ay agad nitong ipinagtanggol ang kanyang “unico hijo”.
Sa pagkakataong ito, bumunot ng patalim ang mga suspect at nang akmang uundayan ng saksak ng mga ito ang batang si Cantiga ay agad na pumagitna ang ama at sinalo ang mga saksak ng mga suspect na para sana sa kanyang anak. Matapos nito ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect, ngunit minalas na naaresto ang mga ito ng mga rumespondeng pulis, habang ang biktima ay agad namang isinugod sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin nagawang iligtas pa ng mga manggagamot ang buhay nito. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending















