Pulis na magso-solicit kakalusin
Binalaan kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias ang kanyang mga opisyal at tauhan na mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang sinumang pulis na mapapatunayang nagso-solicit o nanghihingi ng donasyon sa pagsisimula ng “ber months” na hudyat ng nalalapit na Kapaskuhan.
Sinabi ni Barias na kapag napatunayang guilty ang mga pulis ay maari ang mga itong masibak sa puwesto at madismis sa serbisyo.
Ginawa ni Barias ang pahayag matapos na makatanggap ng report hinggil sa umano’y maagang racket ng mga tiwaling pulis na nagsisipag-solicit na at nagbebenta ng mga ticket na iniaalok ng mga ito sa mga negosyante.
Batay sa report, bagaman nagsisimula pa lamang ang “ber months” ay may mga tiwaling pulis na ruma-racket na sinasamantala ang hudyat ng nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan sa bansa.
Dahil dito, ayon kay Barias ay nagpalabas na siya ng direktiba na nagbabawal sa mga pulis na mag-solicit ng pera o anumang donasyon at maging ang pagbebenta ng mga ticket sa mga mayayamang negosyante kabilang ang mga Filipino-Chinese.
Sinabi ni Barias na lumang tugtugin na ang nasabing racket ng mga tiwaling pulis dahilan isa itong uri ng pangingikil o extortion na maaring maging basehan para masampahan ang mga ito ng kaso. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending



















