Lumuwa ang mga mata, nabasagan ng bungo at nagkagutay-gutay ang katawan ng isang mister nang pagtulungang ataduhin ng saksak at pagpapaluin pa ng tubo ng tatlo nitong kapitbahay kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang biktima na si Roderick Gutierrez, 34, residente ng 107 E. Flores St., Malibay ng nabanggit na lungsod. Pinaghahanap ng pulisya habang isinusulat ito ang nakatakas na mga suspek na sina Michael de Gusman, Jessie de Guzman, at alyas Patrick na pawang residente sa naturang lugar. Bago naganap ang insidente, unang nagsisisigaw sa harap ng compound sa naturang lugar, hinahanap at pilit na pinalalabas ng mga suspek ang isang John Rex Barenas, 20, na kanilang nakaalitan.
Dahil sa nililikhang ingay, lumabas ang biktima sabay sita sa mga suspek. Dala naman umano ng tindi ng galit, ang biktima ang pinagbalingan ng mga suspek at pinagpapalo ito ng tubo sa katawan.
Nagawa pang makatakbo ng biktima sa loob ng compound, pero sinundan pa siya ng mga suspek at walang habas na pinagpapalo ng tubo sa ulo at parang baboy na inatado ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Tumigil lamang ang mga suspek nang halos magkagutay-gutay ang katawan ng biktima hanggang malagutan ito ng hininga.