Bilang ng out-of-school youth mababawasan sa Maynila
Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na mababawasan ang bilang ng mga out-of-school youth sa susunod na taon matapos na pasinayaan ang bagong school building na magbibigay ng libreng elementarya sa Francisco Balagtas Elementary School sa Sta. Cruz Maynila. Ayon kay Lim, ang bagong school building ay mayroong 12 classrooms kung saan ang apat dito ay ilalaan naman sa mga kindergarten pupil. Bawat kindergarten classrooms ay mayroong mga palikuran at lababo.
Nabatid na ang three-storey school building ay maaaring makapag-accommodate ng 3,000 estudyante na magsisilbi ding modelo ng iba pang mga paaralan na kailangan nang ipaayos. Sinabi ni Lim na ang bagong tayong paaralan ay unang bahagi lamang ng three-phase project na naglalayong mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga mahihirap na estudyante mula sa ikatlong distrito ng Maynila. Matatandaan na nasunog ang nasabing paaralan noong Hulyo, 2007 kung kaya’t kinailangan itayong muli. (Doris Franche)
- Latest
- Trending