Laman-loob ng tao, iniwan sa taxi
Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya patungkol sa mga laman-loob umano ng tao na nakalagay sa dalawang garapon at iniwan sa loob ng isang taxi kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Isinasailalim na ngayon sa pagsusuri sa PNP Crime Laboratory ang nasabing mga laman-loob para tiyakin kung ito nga ay sa tao.
Sinabi ni Quezon City Police District-Station 10 commander, Supt. Asper Cabula, pinadala na nila sa PNP Crime Lab sa Camp Crame ang naturang mga garapon na naglalaman ng puso at bituka na nakababad pa sa formalin. Hindi pa naman nagpapalabas ng resulta sa pagsusuri.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang isakay ni Wilfredo Salatino, driver ng Bigie taxi (PVY-312) ang isang lalaki na nasa edad 20-anyos sa may Ligaya, Santolan, Pasig City at nagpahatid sa Arayat, Cubao.
Nang dumating umano sa Cubao, naging balisa na ang naturang pasahero, at bumaba ng taxi upang mag-withdraw sa ATM ng bayad sa pasahe. Makalipas ang 30 minuto, hindi na umano bumalik ang naturang lalaki.
Dakong alas-2:30 ng madaling araw, pumarada sa may Mother Ignacia Street sa naturang lungsod si Salatino nang mapansin nito dalawang garapon na nakabalot sa plastic bag na kanyang binuksan at nadiskubre ang mga laman-loob.
Agad namang iniulat ni Salatino ang pagkakadiskubre sa mga barangay tanod na siyang nagpasa sa mga garapong may laman-loob sa pulisya.
Ayon sa pulisya, posible umano na pinag-aralan ng mga estudyante sa medisina ang naturang mga laman-loob at hindi magawang maitapon kaya basta na lamang iniwan. Iniimbestigahan rin naman ang anggulo na maaaring sangkot ang nag-iwan ng mga garapon sa sindikato na nagbebenta ng mga laman-loob ng tao.
- Latest
- Trending