Driver minartilyo sa ulo, patay
Patay agad ang isang jeepney driver makaraang martilyuhin sa ulo ng hindi nakilalang suspect nang magwala at maghamon ng away ang una habang lango sa alak, kahapon ng umaga sa Parañaque.
Basag ang bungo at namatay noon din sa mismong pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Raul Saban, 40, ng Sitio Kawayan, Brgy. Moonwalk, Parañaque City sanhi ng malakas na pagkakapalo ng martilyo sa ulo.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Sitio Kawayan St., ilang metro lamang ang layo sa bahay nito. Narekober naman ang duguang martilyo hindi kalayuan sa bangkay ni Saban na sinasabing ginamit ng salarin sa pamamaslang sa kanya.
Ayon naman sa salaysay ng ama ng biktima na si Anthony Saban, nagsimula umanong uminom ng alak ang kanyang anak kamakalawa pa ng alas-10 ng gabi makaraan ang pagtatalo ng huli at asawa nito. Mga ilang oras pa ang nakalaipas ay nagwala ang biktima at naghamon ng away kung saan narinig umano ng matandang Saban na nakasagutan ng anak nito ang suspect.
May teorya naman ang pulisya na posibleng binalikan ng nakasagutang lalaki si Saban na noon ay nagpatuloy pa umano sa paglalasing hanggang madaling-araw. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending