Hanggang kahapon ay hindi pa rin lumulutang sa Makati City Police upang magpaliwanag ang mga bodyguards ni Usec. Antonio Villar ng Presidential Anti-Smuggling Group o PASG hinggil sa umano’y pambubugbog ng mga ito sa isang negosyante sa Makati City.
Sa panayam kay P/S Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Makati City Police, tanging ang abogado lamang ng PASG ang nagpakita kahapon sa kanyang tanggapan kung saan iginiit umano ng huli na wala pa naman daw sapat na dahilan para lumutang sa ngayon ang mga inaakusahang nambugbog na bodyguards ni Villar.
Paliwanag pa ni Atty. Vergilio Bruno, legal counsel ng PASG, wala naman umanong anumang kaso na isinasampa ang negosyanteng si Simon Paz na hanggang sa kasalukuyan ay nasa intensive care unit (ICU) pa rin ng Makati Medical Center sanhi ng pagkaka-comatose nito.
Sa kabila nito, nagbigay naman ng katiyakan ang nasabing abogado ng PASG sa pulisya na nakahanda silang makipagtulungan sa mga huli sa sandaling makumpleto na ang mga impormasyon sa kaso. Handa rin umano ang PASG na isuko ang mga isinasangkot na bodyguards ni Usec Villar sakaling may asunto na ang korte.
Samantala, nakatakda namang makipag-koordinasyon sa Police Safety and Protection Office ng Camp Crame ang Makati City Police upang alamin kung sinu-sino ang mga naka-detail kay Usec . Villar lalo pa at ang mga itinuturong sangkot sa nasabing insidente ay sinasabing mga miyembro ng pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)