Manila City jail warden sinibak
Tuluyang sinibak na kahapon sa kanyang tungkulin ang warden ng Manila City Jail makaraan ang naganap na madugong riot sa pagitan ng dalawang magkalabang gang nitong nakaraang Sabado. Ipinag-utos ni Bureau of Jail Management and Penology chief, Director Rosendo Dial ang pagtanggal sa puwesto kay Jail Supt. Emilio Culang Jr. upang bigyang-daan umano ang malinis na imbestigasyon sa naganap na riot. Pansamantalang ipinalit sa kanya si dating Pasig City Jail warden Supt. Hernan Grande bilang officer-in-charge (OIC).
Matatandaan na nasawi sa naturang riot si Eduardo Mandap, 28, habang sugatan naman si Joey Saclao, 44, matapos na tamaan ng bala buhat sa kalibre 9mm pistol. Naganap ang riot dahil sa selosan umano sa babaeng dalaw ng magkalabang Bahala na Gang at Commando Gang. Inamin naman ni Dial na nahihirapan talaga sila sa seguridad ng MCJ dahil sa kakapusan ng tauhan at sobrang dami ng preso na nakaditine rito. May
Inatasan naman ni Dial si Grande na limitahan na ang oras at dami ng dalaw kada araw. Ipinanukala nito na bigyan ng schedule ang dalaw at gawing bawat selda upang hindi magkaroon ng komosyon sa mga preso. Agad namang nagpatupad si Supt. Grande ng “Oplan Greyhound” kung saan sinaliksik ang lahat ng selda ng mga bilanggo. Mahigit sa 100 na sumpak, patalim at iba pang armas ang nakumpiska ng BJMP buhat sa mga preso. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending