Isang karatista ang nadakip ng pulisya matapos mangholdap sa isang pampasaherong jeepney sa Ca loocan City kamakalawa.
Bago tuluyang madakip ang suspek na si Rodolfo Remiendo, may-asawa, driver ng #3331 San Jose St., Sta Mesa Manila ay nakipagpambuno pa ito kay PO3 Amorsolo Festejo ng Caloocan City Police dahilan upang magtamo ang huli ng sugat sa braso.
Ang biktima na nakilalang si Joever Malinao, ng #106 Gozon Compound, Malabon City ay nagtamo rin ng pasa sa pisngi matapos na bigyan ng flying kick ng suspek.
Nangyari ang insi dente dakong alas-11 ng gabi sa may Dagat-Dagatan Ave., corner C4 Road, sa lungsod.
Bago nito, sakay ang biktima ng isang pampasaherong jeepney kasama ang suspek na nagkunwaring pasahero nang pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang nagdeklara ng holdap ang huli.
Dahil wala namang dalang patalim, nagtaka ang biktima ngunit bago pa ito nakapalag ay umalagwa agad ang kanang paa ng suspek at tumama sa panga ng una sanhi upang mabuwal ito at mahilo.
Sa puntong ito, mabilis na kinuha ng suspek ang bull cap at pera ng biktima saka mabilis na tumakas. Tiyempo namang napapatrulya ang tropa ng Special Weapon and Tactics sa lugar at naispatan ang suspek dahilan upang habulin ito at arestuhin.
Nakakulong ngayon ang suspect sa presinto ng Caloocan Police. (Ricky Tulipat)