Palabas na ng bansa ang bagyong Karen patungo sa direksiyon ng Southern China.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ganap na alas-10 ng umaga kahapon si Karen ay namataan sa layong 350 kilometro hilagang kanluran ng Laoag City taglay ang pinakamalakas na hanging 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 170 kilometro bawat oras.
Si Karen ay kumikilos sa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro bawat oras at inaasahang nasa layong 690 kilometro hilagang kanluran ng Laoag City o 90 kilometro silangan ng Hong Kong.
Nananatili namang nasa ilalim ng babala ng bagyo bilang 1 ang Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Gayunman, patuloy na makararanas ng pag-uulan sa buong Central at Northern Luzon laluna ang kanlurang bahagi nito dahil sa epekto ng southwest monsoon sa naturang bagyo. (Angie dela Cruz)