Dahil lamang sa pag-uunahan sa pwesto sa paradahan ng sasakyan, isang negosyante ang nahaharap ngayon sa kasong grave threat matapos tutukan nito ng baril ang pamangkin ni Sen. Rodolfo Biazon, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Batay sa imbestigasyon, si Ferdinand Satuito, 62, ay nahaharap sa kasong grave threat matapos sampahan ng kaukulang reklamo ng pamangkin ni Sen. Biazon na kinilalang si Jose Solano, 31, na isa rin sa staff ng senador. Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang nasabing insidente kamakalawa ng gabi sa parking lot ng South Tower Building, Madrigal Business Center, Muntinlupa City.
Sa inisyal na imbestigasyon, kapwa naghihintay sina Solano at Satuito na may mabakanteng parking space sa naturang lugar hanggang sa umalis ang isang kotseng nakaparada.
Ipaparada na ni Solano ang kanyang kotse sa nabakanteng lugar nang sunud-sunod na businahan at pinailawan ng head lights ng suspect ang una. Hindi pa umano nakuntento, bumaba pa ang suspect sa kanyang kotse at binunot ang kalibre .45 na baril nito at itinutok sa biktima.
Agad namang humingi ng tulong sa pulis ang biktima at nakuha sa loob ng kotse ng suspect ang nasabing baril na naglalaman ng anim na bala sa magazine.
Sa kasalukuyan inaalam pa ng awtoridad kung may kaukulang lisensya at permit ang nakumpiskang baril sa suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)