Ex-brgy. captain nagmasaker sa 6 na obrero, arestado

Matapos ang matagal na pagtatago, isang dating barangay captain at tina­gu­riang isa sa mga  “most wanted criminal” ang na­dakip ng pinagsanib na pwersa ng Caloocan City Police at Rosario, La Union Police dahil sa pag-ma­saker nito sa anim na ob­rero noong 2006 sa na­bang­git na lungsod.

Kinilala ang suspect na si  Graciano Victoriano  “alyas Garcing”, 44, dating kapitan ng Brgy. Bignay, Valenzuela City.

Sa rekord ng pulisya, nabatid na si  Victoriano ang sinasabing nag-ma­saker sa anim na obrero na sina Ramon Villanueva; Judril Meguizo; Arthur Car­dona; Jefferson Agipa­nan; Alfredo Asuero at Remy Amoro, pawang mga em­ple­yado ng Ken Dragon Manufacturing Corporation na matatagpuan sa Brgy. Perez, Sto. Niño, Mey­caua­yan, Bulacan.

 Ang naturang akusado  ay naaresto ng mga awto­ridad sa Damortis, Ro­sario, La Union dakong alas-6:45 ng gabi base na rin sa warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Thel­ma Canlas Trinidad-Pe Aguirre ng Caloocan City Regional Trial Court (CCRTC) Branch 129.

Matatandaan na noong Oktubre 1, 2006, dakong ala-1 ng madaling-araw,  sa Phase 3, Nova-Ro­mania Subd., Deparo, Brgy. 168, Camarin, Calo­ocan City,  pinagbabaril at pinatay ng naturang aku­sado ang mga biktima.

Napag-alaman na unang inaresto ng mga barangay tanod ang mga biktima matapos mada­anan ang mga ito na pasuray-suray na nagla­lakad sa kalsada dahil sa labis na kalasingan.

Makalipas ang ilang sandali ay dinala ang mga ito sa madilim na bahagi ng Nova Romania Subd., Caloocan City  hanggang sa pagbabarilin ang mga ito ni Victoriano.   

Ilang araw naman ang nakalipas ay naaresto si Victoriano ngunit sa hindi malamang dahilan ay na­kapaglagak ito ng piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.  Hindi rin nagawang makadalo sa hearing ni Victoriano hang­gang sa isyuhan ng  korte ng war­rant of arrest ito.

Matapos ang mahigit isang taong pagtatago, na­dakip ng pulisya ang aku­sado sa nabanggit na la­lawigan. (Lordeth Bonilla)

Show comments