Patay ang dating bodyguard ni Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando makaraang banggain umano ng isang pampasaherong dyip ang minamaneho nitong motorsiklo kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Namatay habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Alfredo Guiterez Jr. 36, residente ng Wallnut St. Brgy. San Roque ng lungsod na ito, dating bodyguard ng nasabing mayor na ngayon ay nakatalaga sa Office of Public Safety and Security ng lungsod na Marikina.
Arestado naman ang suspek na si Evangelino Ayunan, 35, ng Batasan Hills Quezon City, drayber ng nakabanggang pampasaherong dyip.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:40 ng gabi sa kanto ng Eagle at Falcon sts. Brgy. Sta. Elena ng nasabing lungsod habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan. Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklong Honda Wave na may plakang IY-5884 ang biktima ng makasalubong at banggain umano ng pampasaherong dyip na minamaneho ng suspek.
Dahil sa lakas ng bangga ay tumilapon ng ilang metro ang biktima mula sa kanyang motorsiklo at una ang ulong bumagsak sa sementadong kal sada. Mabilis pang naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit namatay din ito ilang oras ang lumipas dahil sa matinding pinsalang tinamo. (Edwin Balasa)