Nakaipon ng P200 thousand: Shoe shine na lolo tinodas
Isang 69-anyos na ‘shoe-shine na lolo’ o taga-linis ng sapatos ang hinihinalang pinaslang ng kanyang kakilala matapos matuklasan nitong meron siyang malaking naimpok na salapi sa tabi ng isang gusali sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.
Nadiskubreng patay na at tadtad ng saksak ang biktimang si Margarito Figueras, alyas “Bay” sa kanyang pinuwestuhang tulugan sa bangketa na nakakulambo pa.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na posibleng may kagagawan ng pamamaslang.
Pinag-aaralan ng pulisya ang anggulong may kakilala ang biktima na nakaaalam ng kanyang itinatagong malaking halaga ng salapi. Narekober sa tabi ng biktima ang kanyang passbook na may lamang P58,000 at may time deposit pang umabot sa P151,000.
Nabatid na may 10 taon na ang biktima na nakatira lamang sa gilid ng bangketa, sa nasabing lugar at matagal na rin kilala bilang ‘shine boy.’
Nabatid ni Det. Paul Dennis Javier ng Manila Police District na may anak na seaman ang biktima at may kapatid din ito sa abroad na tumutulong sa kaniya subalit mas pinili nitong manirahan sa bangketa, dahil doon ito masaya kaysa umuwi sa kaanak. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending