Mag-bespren nakuryente

Dahil sa pagmamahal at awa sa kaibigan, namatay matapos makuryente ang isang 24-anyos na binata nang hatakin nito ang kanyang matalik na kaibigan na nakatapak ng live wire, sa Sta. Ana, Maynila sa ulat kahapon.

Bigo ang Philippine General Hospital (PGH) na maisalba ang biktimang si Jerson Fernandez, ng  Pasig Line St., Sta. Ana, May­nila sanhi ng pagkakakuryente, habang nasa kritikal pang kon­disyon sa Ospital ng Maynila ang kaibigan nitong si Mark Ladores, 19, ng  Pasig Line St., Sta Ana, Manila na kanyang tinulungan. 

Sa ulat ni Supt. Frumencio Bernal III, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 6, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente sa bubungan ng bahay ng biktima.

Nabatid na kapwa nasa bubungan ang magkaibigan at naghi­hintay sa pagdapo ng mga alagang kalapati sa bubungan nang may maapakang live wire na koneksiyon ng kuryente si Ladores na bahagyang nabalatan.

Nang mangisay ang kaibigan ay mabilis itong hinatak ni Fernandez subalit mabilis na tumulay sa kanya ang kuryente kaya tumilapon silang magkaibigan dahil sa lakas ng boltahe. Mabilis namang sumaklolo ang mga kaanak at agad dinala sa magka­hiwalay na ospital subalit agad ding nasawi si Fernandez.

Show comments