Inalerto kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang puwersa nito sa posibleng “spill over” o paglaganap ng gulo sa Metro Manila at ilang pang urban centers sa bansa bunga ng kasalukuyang tensiyon sa standoff ng security forces at ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa rehiyon ng Mindanao. Sa lingguhang Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP) sa Camp Crame, sinabi ni PNP Directorate for Operations Director Silverio Alarcio, bunsod nito ay isinailalim sa “full alert status” o pinakamataas na alerto ang buong puwersa ng pulisya sa bansa kabilang ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay Alarcio hindi niya inaalis ang posibilidad na umabot sa Metro Manila ang sitwasyon at iba pang mga urban centers tulad ng mga lungsod ng Davao at Cebu. Aniya karaniwan ng target ng mga teroristang aktibidades ay ang mga urban centers.
Ayon kay Alarcio, bagama’t nakatutok sila sa mga pangyayari sa Mindanao, dapat din naman anyang maging handa sila sa anumang posibleng mangyari dulot ng tensiyon sa nabanggit na rehiyon. Tinukoy ni Alarcio ang ginawang pananakop ng MILF rebels sa ilang mga barangay sa limang bayan ng North Cotabato at ang napipintong pagdaraos ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa darating na Agosto 11. (Joy Cantos)