Mandatory drug testing sa LTO, pinatatanggal ni Sotto
Inakusahan kahapon ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Tito Sotto sa pagiging talamak sa korapsyon ang mga akreditong drug-testing centers na akredito ng Land Transportation Office (LTO) sanhi upang makalusot ang mga positibo sa iligal na droga na aplikante para magkaroon ng lisensya.
Dahil dito, hiniling na ni Sotto kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Leandro Mendoza na tanggalin na lamang ang mandatory drug tests sa mga aplikante ng driver’s license at sa halip ay gawin na lamang itong random.
Sa datos ng DDB at Department of Health, nasa 0.4% lamang ang napatunayang positibo sa iligal na droga sa mga aplikante ng LTO license buhat nang ipatupad ito na lubhang napakababa at hindi na epektibo, ayon kay Sotto.
“Ang nangyayari pa nagkakaroon ng mga lagayan. Wala namang kukuha ng driver’s license na alam niya na positive siyang gumagamit”, ani Sotto.
Iginiit naman nito na dapat pa ring ipatupad ang mandatory drug tests sa mga motorista na sangkot sa mga aksidente, may dati nang kaso sa iigal na droga at iba pang krimen.
Makakatulong rin ang panukala niya sa programa sa pagtitipid ni Pangulong Arroyo kung saan makakapagtabi ng P300 ang isang aplikante na bayad para sa drug testing. Malaking katipiran rin umano ang maidudulot nito at mabubuwag na ang mga sindikato ng korapsyon.
Sa kasalukuyang batas sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 Section 36, nakasaad: “No driver’s license shall be issued or renewed to any person unless he/she presents a certification that he/she has undergone a mandatory drug test and indicating thereon that he/she is free from the use of dangerous drugs”. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending