Naghari ang tensyon sa session hall ng Manila City hall nang komprontahin ni Manila 5th District Councilor Roderick Valbuena si Manila 2nd District Councilor Abel Viceo nang ipa-raid umano ng huli ang nightclub ng una sa mga tauhan ng Special Operation Group (SOG) at sa Bureau of Permits.
Naging mabilis naman ang pag-awat ni 3rd district coun cilor Ramon Morales sa dalawang konsehal na noo’y nagsisigawan, nagmumurahan at nagpalitan ng salitang “bakla at “bulol”.
Ayon kay Valbuena, hindi na umano siya makapagpigil sa ginagawang pangha-harass ni Viceo sa kanya na isa sa mga opisyal ng Manila Entertainment Music Lounge Association (MEMLA) kung kaya’t kinompronta na niya ito habang naka-recess ang session kamakalawa.
Sinabi ni Valbuena na nagsimula lamang ang umano’y moro-morong raid ng mga pulis sa mga club dahil na rin sa pagtanggi nilang sumali sa nasabing asosasyon na mayrong monthly dues na P2,000 kada buwan.
Katwiran ni Valbuena, wala namang iligal sa kanilang club kung kaya’t hindi siya dapat na makiusap. Aniya, kung mayroon mang iligal sa kanyang club ay maaari namang salakayin ito at kasuhan siya at doon na rin siya sa korte magpapaliwanag.
Bukod dito, sinabi din ni Valbuena na si Viceo at isang Ruther Batuigas ang nagpapakalat ng mga mapanirang salita laban kay Manila Mayor Alfredo Lim subalit siya umano ang napagbibintangan.
Mariin namang itinanggi ni Viceo ang pahayag ni Valbuena sa pagsasabing wala siyang utos na salakayin ang kanyang nightclub at hindi niya pinakikialaman ang negosyo nito. Nagulat na lamang siya nang bigla siyang sigawan at murahin ni Valbuena habang nasa recess ang session.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kasamahan ng dalawang konsehal sa inasal ng mga ito dahil ang pinag-ugatan lamang umano ay kung sino ang dapat na maghari sa mga nightclub owners.