Mister at lover naaktuhan ni misis
Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 1 ang magkalaguyo matapos maaktuhan at ireklamo ng nag-espiyang misis sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Ipinagharap ng reklamong concubinage ni Sweet Baldovia ang mister na si Ernesto Baldovia, 24, basurero, ng #260 Interior 51 Davao St., Balut, Tondo at kalaguyo nitong si Angelika Bernardo, 20, ng Balut, Tondo.
Sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang maaktuhan ni Sweet ang dalawa sa loob mismo ng bahay ni Angelika. Sa salaysay ni Sweet, dakong alas-4 ng madaling-araw ay gumising umano ang kanyang mister at nagpaalam na maghahanap ng basurang mapagkakakitaan.
Subalit kinutuban ang misis nito dahil na rin sa mga nasasagap na tsismis hinggil sa kinalolokohan ng kanyang mister kaya sinundan niya ito.
Natuklasan niya na pumasok ito sa bahay ni Angelika kaya’t naghintay pa siya ng ilang minuto bago pumasok para maaktuhan ang dalawa. Mabilis na tumawag ng barangay tanod si Sweet bago ipinarating sa pulisya ang insidente. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending